Friday, May 05, 2006

I Love You

I love you.

Yan marahil ang mga salitang hinihintay mong marinig mula sa akin, simple pero masarap pakinggan lalo na kung hindi mo pa ito naririnig sa taong gusto mong magsabi nito sayo, gaya ko. Ilang taon din akong nawalay, nagkaroon ako ng sariling mundong malayo sa iyo, ikaw sa probinsiya at ako dito sa manila. Kung tutuusin madali lang solusyunan ang layo natin pwede akong sumulat pero hindi ko nagawa nakakatamad kasi, wala kang linya ng telepono kaya kailangan ikaw pa ang tumawag sa akin sa RCPI pero alam kong hindi pwede. Nang mauso ang text, ilang taon din bago ka namulat sa teknolohiyang ito, pwede na tayong maging textmates. Tinetext kita para kumustahin at alamin kung ok ka, hanggang sa kinatamaran kong gawin iyon at umasa na lang sa mga pangungumusta mo at pagkukuwento ng mga bagay tungkol sa inyo diyan sa probinsya.

Gaya ng dati, kapag nagbabakasyon ako masaya tayo pero minsan nangangati palagi ang mga paa kong bumalik agad ng manila, ayaw kitang lingunin kapag paalis na yung tricycle matapos kong halikan ang pisngi mo, ayoko kasing makita kang umiiyak na naman. Ilang taon din yun, kapag aalis ako iiyak ka kaya pati ako napapaiyak din, grabe hindi na tayo nasanay sa eksenang ganun.

Dalawang taon ang nakakaraan, naalala ko pa nung minsang tinext mo ang kaibigan ko dahil nakakalimutan kong magreply sa iyo, kinumusta mo ako sa kanya at palagay naman ang loob mo na nasa mabuti akong kalagayan dahil may tiwala ka sa sinabi niya tungkol sa akin, nang nalaman ko iyon naalala kita bigla at kinumusta.Nang panatag ka nang ok ako, nag-goodnight ka at sinabihan ako ng i love you. Nagulat ako sa nabasa ko, alam kong mahal mo ako pero hindi ka ganun, hindi mo sinasatinig ang mga katagang iyon, hindi ko na matandaan kung nagsabi ba ako ng i love you too, pero sana alam mo din na yun din ang nararamdaman ko para sa iyo, gaya mo hirap din akong sabihin sa iyo ang mga salitang iyon. Kinabukasan noon, nalaman ko sa kaibigan ko na sinabi mo din pala iyong mga salitang iyon sa kanya bilang kaibigan ko, minahal mo na din siya.

Marami akong bagay na pinanghihinayangan sa ating dalawa. Sa mga panahong dapat naipadama ko sa iyo kung paano ako magmahal at kung paano ako mag-alaga, wala ako. Hindi sapat ang mga bakasyon para maipakita ko sa iyo na napakaimportante mo sa akin.

Mahigit isang taon na nung huli tayong magkita, bagong taon yun 2005. Nagluto ako ng mga handa para magkakasama natin salubungin ang bagong taon, ikaw, ako, si papa at si kuya. Masaya tayong dalawa habang nagpipicture tayo sa bagong bili kong digicam, may solo shot ka at ako din siyempre tsaka meron din tayong picture magkasama, close-up pa nga yun e at ang saya-saya natin tingnan doon.

Meron lang akong napansin sa litratong iyon, anlaki ng pinagbago mo at anlaki din ng pinagbago ko. Ang dating kutis ko nag-iba na, hindi na ako negra katulad noong sa probinsya pa ako nakatira. Ang mga ngiti mo hindi na katulad ng dati na bunga lang ng mga salitang "say cheese", tila hirap pero maaliwalas ang mga ngiting iyon at napakasaya kung tititigan mo, siguro dahil kasama mo ako. Ang mga mata mong dati ay kinatatakutan kong titigan, napalitan na ng kalungkutan at pilit kinukubli sa mga ngiting tila nagsasabi sa akin na huwag kang mag-alala dahil masaya ako na nandito ka. Ang dating tapang sa mukha mo ay napalitan na ng kaba at paghahangad ng pagmamahal... pagmamahal mula sa isang anak na katulad ko.

Ngayon sasabihin ko sa iyo, Mahal na Mahal kita. Paulit-ulit kong binigkas ang mga katagang iyan sa harap mo, sa loob ng ilang araw at gabing kapiling mo ako at ang mga taong nagmamahal sa iyo. Hindi ko alam kung sinagot mong mahal na mahal mo din ako, hindi ko na maririnig ang sagot mo kailanman pero alam ko... sa puso ko labis ang pagmamahal mo...

Sana masaya ka palagi kapag binubulong ko sa hangin na I Love You Mama.

Gaya ngayon...